Saturday, December 25, 2010

Numeriano "Ka Arman" Sumulong

Sa gilid ng Roxas Boulevard kung saan makikita ang pagtatalik ng dilim at liwanag—na hindi nahaharangan ng matatayog na gusali—at pagkaraka'y magbibigay daan sa bukang liwayway, mamamalas ang isang kakaibang espektakulo:

Hindi mga babaeng naka-two piece na nagpi-pictorial, o mga mag-kasintahang nag-niniig sa mga upuan na animo'y ari nila ang mundo (karaniwang eksena na ito, saka sa gabi ito nagaganap), mas lalong hindi dolphins na naglulundagan, nagsasayawan, naghaharutan sa laot ng Manila Bay.

Sa unang pag-ihip pa lang ng amoy langis na adamyo ng karagatan na tumatambay sa nostrils, hindi pa man tuluyang nahahawi ang karimlan, kakarampot pa lamang ang sumasabog na liwanag sa paligid, may laway-laway pa sa gilid ng mga labi ang mga pulubi sa bangketa ay makikita mo na ang isang matandang putol ang kanang paa, may hawak na gitarang halos ka-edad na ni Dolphy o baka si Dolphy mismo yung gitara, naka-shades na Rayban, may katabing lata ng Alaska Kondensada at suot-suot ang paborito niyang damit (na malamang ay nag-iisa lang niya), isang puting t-shirt (na pinaimpis na ng di mabilang na pag-laba) na may mukha ni John Lennon at sa baba nito ay tatak ng pamosong kantang "Imagine." Ang otsenta anyos na lolo na ito ay si Numeriano Sumulong, mas kilala sa mga taga-baywalk bilang si Ka-Armang Putol.

Pinatag ni Ka Arman ang gula-gulanit na banig na magiging kanlungan niya sa mag-hapon. At isinalansan ang mga gamit. Pinahid niya ang pawis na namumuo sa kanyang noo.

I-tinono niya ng gitara,
Kinukutkot ang kalawang na nanikit sa lata,
Nagkamot ng humpak na tiyan,
Huminga ng malalim at nag-vocalize, nang tipong kumbinsido na kaya niyang tapatan ang boses ni Charice ay lumingon sa kaliwa at binigyan ng ilang segundong sulyap ang embahada,
at ngumiti ng mapait.

Ikiniling niya ang gitara, dahan-dahang tinipa, pikit-mata, kagat-labi, stomach-in, sa bawat kalabit ng kuwerdas ay unti-unting nahugis ang melodiya at sabay sa bagsak ng kanyang mga luha ay inawit niya ang mga kataga ng kantang Basket Case ng Green Day:

"Do you have the time, to listen to me whine?"

Napalingon ang mga nag-gagandahang babae na nag jo-jogging noong mga oras na iyon. Na-shock sa mga narinig. Eksaktong pagka-hinto nila ay kinakanta na ni Ka Arman ang mga linyang,"She said it's lack of sex that's bringing me down." May diin sa lack of sex—napa-halinghing ang mga babae, may isa pang nagsabing "mahilig si lolo." Napa-ngisi na lamang si Ka Arman, binulong lang niya sa kanyang sarili: "Kawawa sila, kakaunti lamang ang nalalaman nila sa Mundo." Nagpatuloy siya sa pag-tipa ng gitara, ngayon naman ay Seksi-Seksi ng Kamikazee ang kinakanta niya. Madaming manonood ang naaliw, hindi pa natatapos ang kanta ay puno na ang lata ng Alaska. May spare Alaska Kondensadang lata siya, pagkalabas nito ay Wake-Up naman ng Slapshock ang tinutugtog niya. Mas lalong natuwa ang mga manonood. Nag g-growl si Ka Arman.


Ala-ala ng kahapon

Animnapung taon na ang nakararaan, beinte anyos lamang si Ka Arman, bokalista ng hindi sikat na bandang "Birhen pa si Aling Macaria"— kung saan-saan sila napupunta maka-tugtog lamang, at upang maibahagi sa mga tao ang kanilang musika. Heavy metal ang tugtugan nila noon, noong dekada 50! Nambabasag na sila ng ear drums, at nambubulabog na ng mga natutulog na na bodyguard sa mga establisyementong tinutugtugan nila, sa panahong ang sikat ay ang mga kantang "masarap sa tenga" katulad ng Blue Suede Shoes ni Presley at Internationale ng mga Komunista. Bukod pa dun, sila ata ang nagpa-uso ng heavy eye liner, leather jacket, at hikaw sa ilong. Hindi sila angkop sa kanilang panahon. Tuluyan lamang na matatanggap ang uri ng tugtugan nila sa pagsapit ng dekada 70' . Binabato ng kamatis, isinusuplong sa pulis, binabansagang mga kampon ng Diyablo, pinagbibintangang mga adik sa giniling na kalachuchi. Masaklap, pero kailangang tiisin ang lahat alang-alang sa musika. At sa konting barya pambili ng Nutri-Bun.

Parang punyal na tumarak sa kanyang puso at tumagos sa kanyang solar plexus ang pait noong malaman niya na ang uri ng musikang naging dahilan ng pag-sumpa sa kanya ng hindi na mabilang na mga bibig at pag-ilag niya sa hindi na mabilang na kamatis ay ang parehong uri ng musika na mag-dadala sa bandang Led Zeppelin sa rurok ng tagumpay. Minura niya si Elvis Presley, minura niya si Magsaysay, minura niya si Khrushchev, minura niya ang ReyCard duet, minura niya ang Korean war, minura niya ang sistema, minura niya ang childhood sweetheart niya, minura niya ang action figure ni Robo Cop, minura niya ang tindero ng sapin-sapin sa kabilang kanto, minura niya ang mundo. Noong wala na siyang masisi—tinakip niya ang dalawang palad sa mukha una'y sisinghap-singhap na hindi napigilan at naging hagulgol. Tumagas ang sipon sa kanyang dalawang ilong.

At minura niya ang kanyang sarili.

Pagbabanyuhay

Tinalukuran ni Ka Arman ang Metal. Pero hindi niya tinalikuran ang musika, nagkaroon siya ng bagong hilig—mga awitin ng protesta. Mga awitin nila Bob Dylan, The Beatles, Peter, Paul and Mary, Justin Bieber, Tado at Lady Gaga—mga awiting sumasalamin sa mga nangyayari sa lipunan. Alam niya sa sarili niya na may mali. At hindi lang iyon sa kanyang porma. Naging aktibo siya sa iba't-ibang organisasyong naglalayong tumulong sa mga mahihirap na tinalikuran na ng Gobyerno. May isang pagkakataon, bumisita siya sa Catanduanes para sa isang medical mission, pupunta sila sa komunidad ng mga taong bundok na kakatwang nasa kapatagan pala nang hindi inaasang nakatapak siya ng land mine. Ang lakas ng pag-sabog ay narinig hanggang sa Sultan Kudarat. Initsa siya ng pag-sabog ng halos tatlumpung talampakan sa ere. Sa kabutihang palad ay sa imbakan ng tae ng mga baka siya bumagsak; sa kasamaang palad, malaki ang naging pinsala sa kanyang kanang paa, kinakailangan na itong putulin.

Ang mas-masaklap, pag-uwi niya sa lungsod, iniwan na pala siya ng buo niyang pamilya kasama ang kanyang lolo, lola, nanay, tatay mga tito at tita tangay na rin ang alaga niyang Gold Fish na si Mr. Doo. Hindi nila matanggap na mas mahalaga pa kay Ka Arman ang kanyang musika at ang pag-lilingkod sa sambayanan.

Sa ikalawang pagkakataon ay nadurog nang labis-labis ang puso ni Ka Arman. Sinubukan niyang magpakamatay, kinuha niya ang rebolber na nakatago sa kanyang aparador—isang kalabit, walang bungong sumabog, walang dugong pumulandit at walang lalake na naka-itim na hood na may karet ang bumulaga sa pagmumukha niya. Pumikit siya at kinalabit muli ang gatilyo, wala pa rin...hanggang sa ika-anim ay walang putok ng baril ang umaalingawngaw. Sinalat niya ang kanyang sentido subalit wala manlang gasgas— sinipat niya ang chamber ng baril, at sa puntong iyon siya ay napangiti at nagkamot ng ulo...hindi nga pala niya nalagyan ng bala ang rebolber.

Hindi na siya nag-tangka pa, hindi na niya nilaklak ang inihanda niyang gasolinang may halong purong kape—siguro kaloob nga ng Diyos na mabuhay siya. Ang hindi niya inisip ay walang kinalaman ang Diyos kung bakit nabubuhay pa siya ngayon, hindi niya inaamin sa kanyang sarili na kung hindi dahil sa katangahan niya, malamang ay headline na siya ng mga balita.

Kasalukuyan

Nakalutang ang isip ni Ka Arman, inaalala ang mga importanteng pangyayari sa buhay niya animnapu at tatlumpung taon na ang nakakaraan. Malungkot pero wala na siyang magagawa. Na-ipinta na ang lahat, at hindi na mababago ang kahit katiting na detalye nito.
Tinitigan niya ang paligid, hapon na pala. Halos malaki-laki rin ang nakulimbat niya sa mga taong tuwang-tuwa sa isang lolong otsenta anyos na kumakanta ng mga kantang para sa mga kabataan. Ngumiti siya. "Ang kailangan lang para mabuhay, para patuloy na mabuhay...ay ang sumunod ka sa gusto nila. Magpa-dikta ka, kahit labag sa loob mo, kahit hindi tugma sa prinsipyo mo, sumunod ka para mabuhay. Kailangang mabuhay." Kailangang mabuhay—sinasabi ng isang taong nasa mga huling sandali na ng parehong buhay na iyon, sinabi ng isang tao na ilang dekada lang ang nakaraan ay nagtangkang tapusin ang kanyang buhay.

Napabuntong hininga si Ka Arman, mag ga-gabi na, pero pwede pa para sa isa pang kanta—last performance para sa araw na iyon. Inangat niya ang gitarang naka-sandal sa pader, dahan-dahang ipinuwesto ito sa kanyang kandungan; kinalabit ang mga kuwerdas...

At sa unti-unting pag-dilim, kasabay ng pag-lubog ng araw sa dapit hapon, narinig ang himig ng Imagine ni John Lennon.

"...You may say I'm a dreamer, but I'm not the only one...I hope someday you'll join us and the world will be as one."

Kinubkob ng kaligayahan ang kanyang pagka-tao. Ito ang huling kanta niya para sa araw, at tinutugtog niya ito hindi para sa kasiyahan ng iba, kundi para kanyang sarili. Mahal niya ang musika. Natapos ang kanta sa punto ng ganap na pag-lubog ng Araw at pag-sibol ng Buwan. Iniligpit ni Ka Arman ang mga gamit niya para umuwi sa kanyang tirahan. Para lustayin ang gabi ng mag-isa. At para mag-ipong ng lakas para sa kinabukasan.

Kinabukasan ay mamamalas na naman ang walang tabing na pagtatalik ng Liwanag at Dilim na magluluwal sa panibagong bukang liwayway.

1 comment: