Monday, December 27, 2010

Carlos Jordan (Hordan)

Hindi to isang lab story.

Ito ay tungkol sa isang binatang tanging inasam lang ay ang mahanap ang kanyang minamahal.... sa internet.

Si Carlos ay isang 2nd year College student. Ang kurso niya ay BS Education major in English kaya masasabi mong isa siyang normal na kolehiyolo(?). Simple lang ang buhay niya, gigising ng alas-sais ng umaga, kakamot sa kung saan makati, kakain, babyahe, papasok, sasama sa mga barkada, uuwi, repeat 5x. Ngunit isang pagkakataon, napapaghalataan na ng mga kaibigan niya na siya lang ang walang syota. May itsura naman siya. Matangkad. Pero di nya talaga matanto kung may sumpa ba siya ni Vladimir. Sa isang banda, torpe siya. Isa pa, mahirap siya mahulog sa isang babae. Di niya alam kung binabae ba siya o talagang naging ideal girl nya lang si Yoona ng SNSD sa kakapakinig dito. Minsan nag Garena siya, wala pang kalaro, alt-tab, facebook.com, login. Dito nagsimula ang lahat.
Tiningnan niya ang profile ng kaibigan niya, may nag wall post. Eh sa may pagkastalker tong si Carlos, tiningnan niya ito. Then BAAAM! Kung may love at first sight man, ito na siguro yon. Tapos. Tapos. Wala, inadd niya lang, ang Prof Pic eh with her BF, alt-tab, nag Mirana at nagdota.

Pero, kontinente nga naghihiwalay eh. :)

Saturday, December 25, 2010

Numeriano "Ka Arman" Sumulong

Sa gilid ng Roxas Boulevard kung saan makikita ang pagtatalik ng dilim at liwanag—na hindi nahaharangan ng matatayog na gusali—at pagkaraka'y magbibigay daan sa bukang liwayway, mamamalas ang isang kakaibang espektakulo:

Hindi mga babaeng naka-two piece na nagpi-pictorial, o mga mag-kasintahang nag-niniig sa mga upuan na animo'y ari nila ang mundo (karaniwang eksena na ito, saka sa gabi ito nagaganap), mas lalong hindi dolphins na naglulundagan, nagsasayawan, naghaharutan sa laot ng Manila Bay.

Sa unang pag-ihip pa lang ng amoy langis na adamyo ng karagatan na tumatambay sa nostrils, hindi pa man tuluyang nahahawi ang karimlan, kakarampot pa lamang ang sumasabog na liwanag sa paligid, may laway-laway pa sa gilid ng mga labi ang mga pulubi sa bangketa ay makikita mo na ang isang matandang putol ang kanang paa, may hawak na gitarang halos ka-edad na ni Dolphy o baka si Dolphy mismo yung gitara, naka-shades na Rayban, may katabing lata ng Alaska Kondensada at suot-suot ang paborito niyang damit (na malamang ay nag-iisa lang niya), isang puting t-shirt (na pinaimpis na ng di mabilang na pag-laba) na may mukha ni John Lennon at sa baba nito ay tatak ng pamosong kantang "Imagine." Ang otsenta anyos na lolo na ito ay si Numeriano Sumulong, mas kilala sa mga taga-baywalk bilang si Ka-Armang Putol.

Pinatag ni Ka Arman ang gula-gulanit na banig na magiging kanlungan niya sa mag-hapon. At isinalansan ang mga gamit. Pinahid niya ang pawis na namumuo sa kanyang noo.

I-tinono niya ng gitara,
Kinukutkot ang kalawang na nanikit sa lata,
Nagkamot ng humpak na tiyan,
Huminga ng malalim at nag-vocalize, nang tipong kumbinsido na kaya niyang tapatan ang boses ni Charice ay lumingon sa kaliwa at binigyan ng ilang segundong sulyap ang embahada,
at ngumiti ng mapait.

Ikiniling niya ang gitara, dahan-dahang tinipa, pikit-mata, kagat-labi, stomach-in, sa bawat kalabit ng kuwerdas ay unti-unting nahugis ang melodiya at sabay sa bagsak ng kanyang mga luha ay inawit niya ang mga kataga ng kantang Basket Case ng Green Day:

"Do you have the time, to listen to me whine?"

Napalingon ang mga nag-gagandahang babae na nag jo-jogging noong mga oras na iyon. Na-shock sa mga narinig. Eksaktong pagka-hinto nila ay kinakanta na ni Ka Arman ang mga linyang,"She said it's lack of sex that's bringing me down." May diin sa lack of sex—napa-halinghing ang mga babae, may isa pang nagsabing "mahilig si lolo." Napa-ngisi na lamang si Ka Arman, binulong lang niya sa kanyang sarili: "Kawawa sila, kakaunti lamang ang nalalaman nila sa Mundo." Nagpatuloy siya sa pag-tipa ng gitara, ngayon naman ay Seksi-Seksi ng Kamikazee ang kinakanta niya. Madaming manonood ang naaliw, hindi pa natatapos ang kanta ay puno na ang lata ng Alaska. May spare Alaska Kondensadang lata siya, pagkalabas nito ay Wake-Up naman ng Slapshock ang tinutugtog niya. Mas lalong natuwa ang mga manonood. Nag g-growl si Ka Arman.


Ala-ala ng kahapon

Animnapung taon na ang nakararaan, beinte anyos lamang si Ka Arman, bokalista ng hindi sikat na bandang "Birhen pa si Aling Macaria"— kung saan-saan sila napupunta maka-tugtog lamang, at upang maibahagi sa mga tao ang kanilang musika. Heavy metal ang tugtugan nila noon, noong dekada 50! Nambabasag na sila ng ear drums, at nambubulabog na ng mga natutulog na na bodyguard sa mga establisyementong tinutugtugan nila, sa panahong ang sikat ay ang mga kantang "masarap sa tenga" katulad ng Blue Suede Shoes ni Presley at Internationale ng mga Komunista. Bukod pa dun, sila ata ang nagpa-uso ng heavy eye liner, leather jacket, at hikaw sa ilong. Hindi sila angkop sa kanilang panahon. Tuluyan lamang na matatanggap ang uri ng tugtugan nila sa pagsapit ng dekada 70' . Binabato ng kamatis, isinusuplong sa pulis, binabansagang mga kampon ng Diyablo, pinagbibintangang mga adik sa giniling na kalachuchi. Masaklap, pero kailangang tiisin ang lahat alang-alang sa musika. At sa konting barya pambili ng Nutri-Bun.

Parang punyal na tumarak sa kanyang puso at tumagos sa kanyang solar plexus ang pait noong malaman niya na ang uri ng musikang naging dahilan ng pag-sumpa sa kanya ng hindi na mabilang na mga bibig at pag-ilag niya sa hindi na mabilang na kamatis ay ang parehong uri ng musika na mag-dadala sa bandang Led Zeppelin sa rurok ng tagumpay. Minura niya si Elvis Presley, minura niya si Magsaysay, minura niya si Khrushchev, minura niya ang ReyCard duet, minura niya ang Korean war, minura niya ang sistema, minura niya ang childhood sweetheart niya, minura niya ang action figure ni Robo Cop, minura niya ang tindero ng sapin-sapin sa kabilang kanto, minura niya ang mundo. Noong wala na siyang masisi—tinakip niya ang dalawang palad sa mukha una'y sisinghap-singhap na hindi napigilan at naging hagulgol. Tumagas ang sipon sa kanyang dalawang ilong.

At minura niya ang kanyang sarili.

Pagbabanyuhay

Tinalukuran ni Ka Arman ang Metal. Pero hindi niya tinalikuran ang musika, nagkaroon siya ng bagong hilig—mga awitin ng protesta. Mga awitin nila Bob Dylan, The Beatles, Peter, Paul and Mary, Justin Bieber, Tado at Lady Gaga—mga awiting sumasalamin sa mga nangyayari sa lipunan. Alam niya sa sarili niya na may mali. At hindi lang iyon sa kanyang porma. Naging aktibo siya sa iba't-ibang organisasyong naglalayong tumulong sa mga mahihirap na tinalikuran na ng Gobyerno. May isang pagkakataon, bumisita siya sa Catanduanes para sa isang medical mission, pupunta sila sa komunidad ng mga taong bundok na kakatwang nasa kapatagan pala nang hindi inaasang nakatapak siya ng land mine. Ang lakas ng pag-sabog ay narinig hanggang sa Sultan Kudarat. Initsa siya ng pag-sabog ng halos tatlumpung talampakan sa ere. Sa kabutihang palad ay sa imbakan ng tae ng mga baka siya bumagsak; sa kasamaang palad, malaki ang naging pinsala sa kanyang kanang paa, kinakailangan na itong putulin.

Ang mas-masaklap, pag-uwi niya sa lungsod, iniwan na pala siya ng buo niyang pamilya kasama ang kanyang lolo, lola, nanay, tatay mga tito at tita tangay na rin ang alaga niyang Gold Fish na si Mr. Doo. Hindi nila matanggap na mas mahalaga pa kay Ka Arman ang kanyang musika at ang pag-lilingkod sa sambayanan.

Sa ikalawang pagkakataon ay nadurog nang labis-labis ang puso ni Ka Arman. Sinubukan niyang magpakamatay, kinuha niya ang rebolber na nakatago sa kanyang aparador—isang kalabit, walang bungong sumabog, walang dugong pumulandit at walang lalake na naka-itim na hood na may karet ang bumulaga sa pagmumukha niya. Pumikit siya at kinalabit muli ang gatilyo, wala pa rin...hanggang sa ika-anim ay walang putok ng baril ang umaalingawngaw. Sinalat niya ang kanyang sentido subalit wala manlang gasgas— sinipat niya ang chamber ng baril, at sa puntong iyon siya ay napangiti at nagkamot ng ulo...hindi nga pala niya nalagyan ng bala ang rebolber.

Hindi na siya nag-tangka pa, hindi na niya nilaklak ang inihanda niyang gasolinang may halong purong kape—siguro kaloob nga ng Diyos na mabuhay siya. Ang hindi niya inisip ay walang kinalaman ang Diyos kung bakit nabubuhay pa siya ngayon, hindi niya inaamin sa kanyang sarili na kung hindi dahil sa katangahan niya, malamang ay headline na siya ng mga balita.

Kasalukuyan

Nakalutang ang isip ni Ka Arman, inaalala ang mga importanteng pangyayari sa buhay niya animnapu at tatlumpung taon na ang nakakaraan. Malungkot pero wala na siyang magagawa. Na-ipinta na ang lahat, at hindi na mababago ang kahit katiting na detalye nito.
Tinitigan niya ang paligid, hapon na pala. Halos malaki-laki rin ang nakulimbat niya sa mga taong tuwang-tuwa sa isang lolong otsenta anyos na kumakanta ng mga kantang para sa mga kabataan. Ngumiti siya. "Ang kailangan lang para mabuhay, para patuloy na mabuhay...ay ang sumunod ka sa gusto nila. Magpa-dikta ka, kahit labag sa loob mo, kahit hindi tugma sa prinsipyo mo, sumunod ka para mabuhay. Kailangang mabuhay." Kailangang mabuhay—sinasabi ng isang taong nasa mga huling sandali na ng parehong buhay na iyon, sinabi ng isang tao na ilang dekada lang ang nakaraan ay nagtangkang tapusin ang kanyang buhay.

Napabuntong hininga si Ka Arman, mag ga-gabi na, pero pwede pa para sa isa pang kanta—last performance para sa araw na iyon. Inangat niya ang gitarang naka-sandal sa pader, dahan-dahang ipinuwesto ito sa kanyang kandungan; kinalabit ang mga kuwerdas...

At sa unti-unting pag-dilim, kasabay ng pag-lubog ng araw sa dapit hapon, narinig ang himig ng Imagine ni John Lennon.

"...You may say I'm a dreamer, but I'm not the only one...I hope someday you'll join us and the world will be as one."

Kinubkob ng kaligayahan ang kanyang pagka-tao. Ito ang huling kanta niya para sa araw, at tinutugtog niya ito hindi para sa kasiyahan ng iba, kundi para kanyang sarili. Mahal niya ang musika. Natapos ang kanta sa punto ng ganap na pag-lubog ng Araw at pag-sibol ng Buwan. Iniligpit ni Ka Arman ang mga gamit niya para umuwi sa kanyang tirahan. Para lustayin ang gabi ng mag-isa. At para mag-ipong ng lakas para sa kinabukasan.

Kinabukasan ay mamamalas na naman ang walang tabing na pagtatalik ng Liwanag at Dilim na magluluwal sa panibagong bukang liwayway.

Patras: Ang Dakilang Aso ni MangBigBoyBabyBoy

Kastahan ng aso, pagiingay ng mga askal sa madaling araw at dapit hapon, yan ang karaniwang tanawin sa eskinitang mala 2 inches ang sikip. Marahil narinig nyo na si Patrash, siya ay ang mabait na aso ni Nello sa Cartoon. Si lassy? kilala nyo ba? Siya ang asong may sariling TV series. Ang Pangalang Patras ba? narinig nyo ba? Nabasa nyo na ba? mukhang garapatang kumakamot sa tenga sa baho ng kanyang pangalan, hindi man mala-John Travolta Fanatic ang kanyang amo na si Mang BigBoyBabyboy, Mala Ronnie Rickets naman ito kung mag-angas kung magsabi ng deskripsyon sa kanyang Alaga na Si Patras. Magstroll ka man sa Mahabang kalsadang C6 at magtanong - tanong sa mga tambay, kung may kilala silang asong nag-ngangalang Patras - ngiti sabay suntok sa tiyan ang isasagot sayo ng mga tarantado sa pag-aakalang ikay Baliw na nagtatanong kung nasan ang asong may dahilan na iyong ka-ulolan.
Nung minsan nang ako ay mapadaan sa tindahan, naguusap ang mga lasenggo sa pangunguna ni Mang BigBoyBabyBoy at ng kanyang Kumpare na si Mang DannyBoy tungkol sa mga breed ng aso. Todo yabang siya sa pagkasabi na ang kanyang aso na si Patras ay half St. Bernard, half bulldog at half Askal. Pumasok agad sa isip ko na tila ito'y kay ganda at kay tikas na klase ng aso. Marami silang napagusapan tungkol sa kasigaan ni Patras. Isang araw nagpunta ako sa talyer ni Mang Bigboy upang mamingwit at mandorobo ng kamyas. habang nakaupo sa sementong pader, may narinig akong mga yapak sa yero na marupok, mala-yapak ng dambuhalang godzilla na relax sa paglalakad. Ako'y mejo pinagpawisan at kinabahan - akoy may nasilayan na parang preskong boxingerong kayang patumbahin ang kanyang kalaban anu mang round. Aking makita isang cute at machong aso, talo pa ang kakisigan ni El-Machong Toro, para bang aso na nagmula sa kabundukan ng Ulaan-Bataar, Monggolia. Gusto ko siyang hawakan at amuhin pero ansama kung makatingin. Nabasa ko ang kanyang name tag (P.A.T.R.A.S).. ha Patras??
Nanlaki, namula at tumirik ang aking mata na para bang nakita ang hinaharap, ika nga ng iba mala - Fina Destination na scenario at agad pumasok sa aking makitid na kokote ang kwento nila mang Danny at Mang BigBoy, kasama na ang tinderang si Ka-Tateng.

Kwentuhan: Si Patras ang pinaka sigang aso sa buong kanto. Napabilib ako nito nung mga panahon na makipag-rumble ito sa tatlong aso ng sabay-sabay, nang mga panahon na sarguhin niya ang Aso nila Archibald bingot na si Giant, nang mga panahon din na binalasa nito ang mga dila ng Lakas-lakasang aso nila ka-mameng na si Tiny. Kung siya ay pagmamasdan mo habang natutulog, parang maamong tuta na nakatayo (syempre sarcastic ako) nadilat dilat ang kanyang mga mata, handang handa sa hamon ng buhay, mga aksyon na darating. Sa Kasamaang palad. namatay ito ng mahagip ng bisikletang pambata at matamaan ng "RAMBO" na tsinelas bilang pambato ng ng mga kabataan sa Larong Paway, binigyan siya ng Lollipop ng isang anim-na taong gulang na batang babae bilang first aid subalit ito'y suma-kabilang buhay,

*Binabalak ni Mang Bigboybabyboy na maghabla ng kaso sa may ari ng Bisekleta ng Reckless Driving resulting damage of property, ang taong humataw ng Rambo na tsinelas ng reckless imprudence resulting to homicide at ang anim na taong gulang na batang babae na hahablahan naman ng medical malpractice.Kasalukuyang naghihintay parin sila ng ano mang resulta ng RTC (Regional Trial Court) . Bago nyo makaligtaan, Si Mang Danny Boy sa istorya ay ang Bilas ng Ama ng Nursing na si Danyong Hilot.

Thursday, December 23, 2010

Vladimir Potrivlaski

Kahit magtungo kayo ng Russia at maghanap ng reference, hinding hindi nyo mahahanap ang talambuhay niya. Subukan mong pumunta ng Carriedo at sumakay ng kalesa, tanungin nyo ang kutsero sasabihan ka lang nun na, "Nawawala ka na sa wisyo". Hinding-hindi mo mararamdaman ang presensya ni Vladimir Ptorivlaski, isang beses nga nung naglalakad ako sa kahabaan ng Recto. Ako’y napatanong sa isang babae na taga FEU:

Ako: “Hmm Miss? Anong kurso mo?

Girl: “History po, bakit po?

Ako: “Itatanong ko lang po kung kilala mo si Vladimir Potrivlaski?

*Agad-agad akong tiningnan ng masama ng babaeng nakasalamin, at napabuntong hininga at umalis, tila meron silang masamang nakaraan ni Vladimir Potrivlaski o sadyang hindi niya lang kilala ang nasabing pilantropo.*


Ako: Sayang Maganda at sexy ka pa naman. XD

*napatingin ang babae sakin habang paalis, nasa langit na ba ako?*

BWENO:

Hindi ko inaasahan na, sa kahabaan lang pala ng Kalaw ako makakahanap ng libro tungkol kay Potrivlaski. Tinanong ko kung magkano?, sinagot niya ako ng trenta. At akoy napasimangot dahil sa mejo kamahalan ng nasabing aklat. Binasa ko nalang ang Preface at Critics ng libro sa may bandang unahan at likuran. “Sa ala-ala ng mahusay na tao na nagngangalang Vladimir Potrivlaski” teka nakakaabala ng concentration ang soundtrip ni manong na I DON’T CARE EHH EHH EHHE EHH, napilitan akong kunin ang Libro, marahil strategy ito ng matandang lalaki para sapilitan mo itong bilhin.

Hindi ko inaasahan na ang title ng Libro ay Ala-Ala ni Vladimir Potrivlaski by Yoyoy Reviilame. Hindi ako makapaniwala na siya ang kauna-unahang tao na marunong ng pitong lingwahe kasama na dito ang French, espanyol, mandarin, Arabic, Niponggo, English ATBP. Hindi ko alam kung bakit tagalog ang Libro. Siya ay Half Ruso Half African full grown Negro. Nung kabataan ni Potrivlaski, siyay nagaral sa pransya at nagging kaklase nya si Vladimir Koslov na ngayon ay isang Wrestler na ng WWE. Sa Pilipinas pala siya nagkolehiyo. Sa maniwala kayo at sa hindi, siya ang exchange Student ni Rizal noong panahon ng Kastila. Dala dala ang isang maleta at tatlong dolyar. Pinilit niyang magtapos sa UST ng kursong BS Sanitary Engineering Major in Waste Management at kinuha ng US Navy Fleet pagkatapos nitong iligtas ang Pilipinas sa Kamay ng mga mananakop. Nagtrabaho siyang Janitor sa USSR Marshall at nagawaran ng Highest Recognition at ng dumating ang hindi inaasahang pangyayari, pumasok sa isip ni Potrivlaski ang pag High-Jack sa USSR Roosevelet. Isang aircraft carrier ship habang ito ay nagpapagasolina sa karagatan ng Nagasaki sa bansa ng Japan.hindi maintindihan ng Kapitan ng Barko kung paano niya ito napaandar, napaandar niya lamang ito gamit ang dalawang sagwan, nagtagumpay siya sa paghihigh-jack pero itoy dumausdos sa isang ice berg ng South Pole at pinagpiyestahan ng mga Polar Bear ang kanyang katawan.

Tuesday, December 21, 2010

Walden Berto

Alam natin na si Arnold Schwarzenegger ang pinaka-unang taong nakatapak sa Moon. Alam din natin na si Manny Pangilinan ang nag-sulat ng Gettysburg address. Mas lalong alam natin na na test tube baby si Caesar.


Masaya na marami tayong nalalamang bagay.

Malungkot na ang alam natin ay yung mga bagay na trivial, subalit inosente tayo doon sa mga esensyal.


Sumakay ka sa G-liner at itanong mo sa mga naka-upo, naka-tayo at naka-tanghod sa bintana kung sino si Walden Berto, ang dakilang si Walden Berto at pihadong mapan-libak na titig ang isasagot nila sa'yo, tipong sinasabi na: "Sino ba 'tong putanginang siraulo na 'to?" Alam mo kung bakit ganon? Kasi nga, sino bang nasa matinong pag-iisip ang sasakay sa G-Liner at ipagtatanong sa mga nakasakay dun kung sino si Walden Berto. Wala.


Sino si Walden Berto? Siya ang kauna-unahan at nag i-isang Tao na naka-hijack ng nuclear powered submarine—na pag-aari ng Trinidad and Tobago—at ginawa niya ang karumal-dumal na aktong ito habang naka submerge ang submarine at sa katubigan pa ng Alaska! Walang depinidong dahilan kung bakit hinayjack ni Walden Berto ang naturang submarine, pero may mga teoryang lumitaw na marahil isang Propeta si Walden Berto na nag-pilgrimage sa Alaska. Habang nag hu-hunting daw ito ng makakain na polar bear ay saktong namataan niya ang papalubog nang submarine, hindi na sana ito papansinin ni Walden Berto subalit nakita niya na ang pangalan ng naturang submarine ay PETER.


Inakala ni Walden Berto na ito's isang senyal mula sa langit kaya agad niyang sinunggaban ang submarine.


Matthew 16:18: "You are Peter, and on this rock I will build my Church."

Archibald Bingot alyas Baldong Sahod

Dalawa lang sa kasaysayan ang humigit kung hindi man ay pumantay sa gilas, tikas, galing at angas ni Michael Jordan sa larangan ng Basketball—si Michael Jordan mismo at si...Archibald Bingot alyas Baldong Sahod.


Si Archibald Bingot ay ninuno ng mga dakilang basketbolero ng Team Pilipinas na sila Asi Taulava at Eric Menk at pinsan naman ni Michael Olowakandi ng NBA. Ipinanganak siya sa maalamat na barangay ng Napindan, natuto siyang mag-basketball sa edad na 5 taong gulang, nakakapag-dunk na siya pagtungtong sa grade 5 at nag-simulang mang-gulang (mandaya) sa edad na 13. Maraming espekulasyon kung bakit hindi siya nakapasok sa NBA: Una, dahil mas pinili niyang maging gerilya at humawak ng armas para sa kalayaan ng bayan. Pangalawa, kinidnap siya ng mga alien at pinagbantaang kung susubukan niyang Mag-NBA ay i ma-masaker nila ang pamilya nito kasama na ang alaga niyang chihuahua na si giant. Dagdag pa ng mga alien, "turuan mo na lang mag-basketball si Sam Cassell!" At Pangatlo, dahil naadik daw ito sa video karera kaya nawala ang galing niyang magbasketball. Ngayon, 90 anyos na si lolo Archibald at kasalukuyan siyang trainer ng mga Boksingero sa Wild Card Gym. Minsan ay suma-sideline din siya bilang referee sa mga ligang ini-sponsoran ni SK Chairman Osmond Boso.



*Breaking news: Isinugod daw po si Archibald Bingot sa ICU ng isang sikat na ospital sa Makati dahil napagkamalan nitong tubig ang silver cleaner.

Tiyoding Pitik

Si Tiyoding Pitik naman ay bantog sa hanay ng mga hired assassin. Isa siyang bayarang mamamatay tao, hindi na mabilang ang mga nilalang na na i-tumba niya. Ang paborito niyang armas ay ang Pilot ballpen na ibinabad sa laway ng salamander at pinausukan sa bunganga ng Mt. Hibok-hibok—wala pang kahit isang tao ang nakaligtas sa sandatang ito. Ngunit sa kabila ng pagiging tampalasan, paminsan-minsan ay gumagawa din siya ng kabutihan, pagpapatunay lang sa kasabihan na "taal sa isang tao ang pagiging mabaiti" — noong nakaraang pasko ay nag-costume siya bilang Rudolph at namahagi ng mga regalo (Marlboro Red, Black Bat, Winston) mula sa kinita niya sa pagpatay sa isang sikat na Drug Lord. Noon namang Halloween, namahagi siya ng hard-boiled-eggs na binudburan ng MSG sa shell para sumarap. Gustong-gusto naman ito ng mga manginginom sa kanto ng bahay niya na tatlong oras pumila para sa espesyal na pulutan.


*Sa kasalukuyan sinasabing nakakulong si Tiyoding Pitik sa bilibid dahil sumablay siya sa kanyang huling operasyon: I a-assassinate niya sana ang isang Congressman na may 7 kabit, nagpanggap siyang body guard nito, pero nong mga sandaling itatarak na niya ang ballpen sa balun-balunan ng congressman e hindi inaasahang hindi ito bumaon. Mapurol na pala ang dulo nito dahil matagal nang hindi napapa-usukan sa Mt. Hibok-hibok. Nagulantang ang kongresista sa naganap. Agad namang umaksiyon ang mga totoong bodyguard nito at dinampot si Tiyoding Pitik.


*Sa kasalukuyang-kasalukuyan, ipapalipat daw si Tiyoding Pitik sa Alcatraz Prison dahil ilang beses na itong nakakatakas sa bilibid.


Tadjong Pagar

Aking ipapakilala naman si Tadjong Pagar, ginawa siyang asset ng kapulisan dahil sa galing niyag tumakas. Talo pa ang mga magikero sa Hong Kong Disneyland. Bata pa lang siya, miyembro na siya ng Sputnik sa barangay Lower Bicutan (kilala rin siyang pinuno ng isang sindikato na kung tawagin ay Resback Terrorist gang) at isa rin siya sa mga founder ng kilabot na Sitsiritsit Robbery Group. Subalit sa lahat ng panahon na makakalaboso siya ay lagi na lang siyang nakakatakas—'ika nga ng mga barangay tanod sa nasabing barangay," mas madulas pa siya sa preskong hito".


Si Tadjong Pagar ang nakakabatang kapatid ni Romulo Kalbo.

Aking ipapakilala naman si Romulo kalbo, Utol ni Tadjong Pagar, siya ang isa sa naging katropa ni Danyong Hilot noong siyay nagaaral pa lamang sa UST, si Danyong Hilot ay kumuha ng kursong nursing samantalang si Romulo kalbo ay kumuha naman ng kursong Railway Road Management major in Steam Engine minor in Industrial Waste Management (wala na ngayong ganitong kurso sa UST dahil sa mahal ng sweldo ng mga riles boy bilang mga instructor).


*Ngayon-ngayon lang, napag-alaman namin na binigyan na ng offer si Tadjong Pagar upang gumanap sa susunod ng pelikula ng James Bond.


*Si Romulo Kalbo naman ay kinuha ng NASA bilang Rocket Scientist. Maaring siya rin ang kauna-unahang tao na ipadala sa Sun.


Osmond Boso at Gardong Gahasa

Si Osmond Boso ang tumakbong SK Chairman sa Barangay 127 sa Maynila. Pitong boto ang naging lamang niya sa pinaka-malapit na katunggali na si Gardong Gahasa; hindi pumayag si Gardong Gahasa kaya nag-deklara siya ng Giyera laban kay Osmond—ginamit ni Gardo ang mga tangke na hiningi niya mula sa Gobyerno ng Amerika pati na ang Black Hawks at F-18 jet fighters. Hindi naman nagpatalo si SK Chairman Osmond, nagtatag siya ng kanyang private army. Bukod pa doon, nakipag-alyansa siya sa North Korea at nanghingi ng 3 nuclear missiles. Bale sa kasalukuyan ay may digmaan pang nagaganap sa loob ng Barangay.


*Si Osmond Boso ay sinasabing nanggaling sa lahi ni Haring Luis ng Pransya, at sinasabi rin na malayo niyang kamag-anak si Boy George.


*Si Gardong Gahasa naman ang itinuturing na pinaka-mayamang tao sa Barangay 127, halos monopolyado niya ang buong livestock industry ng naturang barangay—mayroon siyang 10 inahing baboy, 20 manok (5 panabong), 15 bibe, 5 kambing at ilang kalapati na di na napasama sa inventory dahil masyadong mailap. Ayon sa mga ulat, 10 beses na mas mayaman siya sa mga Rockefeller.

Danyong Hilot

Si Danyong Hilot ang kinikilalang ama ng nursing profession. Siya ay nag-aral sa UST subalit sa kamalasan ay nadapa siya noong isang araw na siya ay naglalakad sa kahabaan ng Espana upang bumili ng distilled water para sa isang pulubing nauuhaw na humingi ng tulong sa kanya. Naparalisa ang ibabang bahagi ng kanyang katawan at ngayon ay nakasakay na lang siya sa skateboard habang nagtitinda ng pampa-regla sa Plaza Miranda, at nagbibgay ng serbisyo sa mga taong may bali ang mga buto. Siya ay tumakbong ring konrgresista sa ikatlong distrito ng Maynila, subalit sa kasamaang palad, siya ay natalo—ang sinasabing dahilan ng kanyang pagkatalo sa halalalan ay ang pagiging die-hard-fan niya ng Super Junior (karamihan ng mga botante sa district 3 ng Maynila ay taga-hanga ng UKISS). Tinatayang sa 2015, itatayo ang rebulto niya sa kalagitnaan ng Pasig River.